Kidnapping, tumaas dahil sa mga Chinese na nagsusugal sa bansa – PNP-AKG

Tumaas ang bilang ng insidente ng kidnapping na may kinalaman sa illegal loan shark business bunsod ng pagdagsa sa bansa ng mga turistang nagsusugal, partikular ang mga Chinese national.

Ayon kay Police Lt. Col Elmer Cereno, tagapagsalita ng Philippine National Police-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG), nakapagtala na sila ng 52 kaso ng “casino-related kidnapping incidents”, kung saan naaresto ang 119 na Chinese kidnappers.

Marami sa mga Chinese national na nagsusugal sa bansa ay dinadala ng mga junket operator mula sa mainland China.

Sila ay ineenganyong magbakasyon sa Pilipinas, kapag nandito na ay dinadala sa mga casino para magsugal at pinapautang pa ng pangsugal.

Kapag natalo sa sugal, ang mga ito ay kinikidnap, ikinukolong sa isang hotel room, binubugbog at tinatawagan ang kanilang pamilya sa China para magpadala ng pambayad utang sa pamamagitan ng wire-transfer.

Bilang pangontra dito, sinabi ni Cereno, na inilunsad ni PNP-AKG Acting Director Police Col Jonnel C. Estomo, ang mas mahigpit na koordinasyon sa kanilang foreign counterparts, Department of Justice (DOJ), National Capital Regional police office (NCRPO), Bureau of Immigration (BI), Ninoy Aquino International Airport (NAIA) management at iba pang PNP territorial units.

Mag-oorganisa din aniya ang AKG ng “summit on casino debt related kidnappings”, kasama ang iba’t ibang law enforcement agencies at casino and hotel operators, para mailatag ang action plan kontra dito.