Kidlat at equipment failure, ilan sa tinitignang anggulo ng pamunuan ng LRTA na sanhi ng sunog sa LRT2

Inalis na ng pamunuan ng LRTA ang arson sa mga posibleng dahilan ng sunog sa linya ng LRT2.

Ayon kay LRT Spokesperson Hernando Cabrera, posibleng naka-apekto dito ang pagtama ng kidlat sa catenary system ng segment 3 at 4 isang araw bago ang sunog.

Pagtitiyak naman ng LRTA na oras na mabigyan sila ng clearance ng Bureau of Fire Protrection na makapasok sa fire scene ay agad silang magsasagawa ng physical assessment sa equipment na nasira ng sunog partikular ang rectifier.

Samantala, sinabi ni Engr. Federico Canar Jr, project manager ng LRTA, posibleng hindi na abutin ng 9 na buwan ang pag-aayos sa naturang segment ng LRT2.

Nilinaw nito na initial assumption lamang ang siyam na buwan dahil hindi pa nila tukoy ang lawak ng pinsala.

Pinasisilip naman ng house committee on transportation kung mayroon bang disaster recovery plan ang LRTA o manual na kanilang sinusunod at batayan sa pagresponde sa mga insidente ng pagkasira ng tren.