Kauna-unahang motor vehicle license plate making facility ng LTO, inilunsad ngayong araw

Mula sa main office ng Land Transportation Office (LTO) sa East Avenue, Quezon City, pinangunahan nina Transportation Secretary Arthur Tugade at LTO Chief Edgar Galvante, ang pagpapasinaya sa kauna-unahang motor vehicle plate making facility ng ahensya.

Kasabay nito ang isang seremonya para naman sa selebrasyon ng ika-isangdaan at anim na taong anibersaryo ng pagkakatatag sa LTO.

Matatagpuan sa naturang pasilidad ang pitong manual embossing machines na magpapahintulot sa gobyerno na gumawa na ng sariling plaka ng mga sasakyan.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), may kakayahang mag-produce ng dalawamput-dalawang libong (22,000) plaka kada araw ang planta sa panahong ito ay nasa full production.

February 26, nai-deliver ang mga makina ng joint venture ng Trojan Computer Forms Manufacturing Corporation at JH. Tonnjes E.A.S.T GmbH na silang nanalo sa bidding.

Sa ilalim ng kontrata, limang makina lamang ang binili subalit dinagdagan ito ng dalawa nang walang karagdagang bayad para na rin mapabilis ang pag-resolba sa milyun-milyong backlog ng LTO sa plaka magmula pa noong July 2016.

Matatandaang ipinatigil ang delivery ng mga motor vehicle license plates nang masilipan ng ‘legal issues’ ang proseso ng procurement o pagbili nito sa nakalipas na administrasyon.

Inaasahan naman na darating sa Hulyo ngayong taon, ang mga tinatawag na automated embossing machines na may kapasidad na gumawa ng labindalawang libong (12,000) plaka bawat araw. | via Shane Juan