Katwiran ng NFA sa pagmahal ng presyo ng bigas sa Zamboanga City, hindi tama – Sen. Villar

Tuwirang sinabi ngayon ni Sen. Cynthia Villar na hindi tama ang katwiran ng National Food Authority (NFA) na nagmahal ang presyo ng bigas sa Zamboanga City dahil sa nawala ang smuggled rice sa lungsod.

Sa panayam sa Senado, sinabi ni Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food na hindi kailangan ang mag-smuggle ng bigas para maging abot-kaya ito ng mga mamimili.

Aniya, ganun din ang puhunan at minsan mas mababa pa ito kung mag-aangkat ng bigas mula abroad, kaya, hindi maaaring ikatwiran na nagmahal ang bigas sa Zamboanga nang dahil sa nawala ang smuggled rice.

Dagdag pa ng senadora na kahit na magtataripa pa ang isang rice importer, competitive pa rin ang presyo ng bigas mula Vietnam.

Diin ni Villar, ang totoo ay naisagawa ng NFA ang mandato nito na gumawa ng tamang paraan para mapanatiling nasa mababang presyo ang bigas.

Mungkahi ngayon ni Villar na magpatupad muna ng price control sa bigas sa pamamagitan ng kinagawiang SRP o tulad ng naideklarang state of calamity sa Zamboanga upang maipatupad ang price control.  | ulat ni Jojo Ismael