Kasunduan sa pagbabawal sa pulis, militar na makapasok sa UP, pinare-review

Pinare-review ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde sa Senado ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at University of the Philippines (UP) na nagbabawal sa mga sundalo at pulis sa nasabing unibersidad.

Nakasaad sa MOU na kailangan munang humingi ng pahintulot sa UP administration ang militar at pulis bago sila payagang makapasok sa campus.

Ang panawagan ng PNP chief ay matapos na tumestigo sa Senado kahapon ang mga magulang ng limang estudyante na umano’y nawala matapos na sumali sa mga makakaliwang organisasyon.

Ito’y sa gitna ng napaulat na talamak na recruitment activities ng New People’s Army (NPA) sa pamamagitan ng kanilang mga front organizations sa mga paaralan.

Sinabi ni Albayalde na ang mga pulis at sundalo pa ang inaakusahan ng paglabag sa karapatang-pantao kung napapatay sa enkwentro ang mga estudyanteng na-recruit ng NPA.

Tanong ng PNP chief, paano magagawa ng PNP ang kanilang mandatong pangalagaan ang mga estudyante kung bawal silang pumasok sa mga paaralan.

Dagdag ng PNP chief, tila hindi tama na pagbawalan ang mga security forces ng pamahalaan sa UP, gayung pag-aari ng gobyerno ang naturang paaralan.