Kasunduan sa ‘defense industrial zones’, nilagdaan ng AFP at PEZA

Nilagdaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang isang kasunduan para sa paggamit ng mga lupain ng militar bilang “defense industrial ecozones” sa hinaharap.

Ang Memorandum of Agreement ay nilagdaan kahapon ni AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana at PEZA Director General Brig. Gen. Charito Plaza (Reserve).

Ayon kay Sobejana, ang mga tinukoy na lupain ng militar ay may potensyal na maging “ASEAN manufacturing hubs” na pagmumulan ng kitang maaring pansuporta sa AFP Modernization Program.

Sinabi naman ni Director Plaza, na ang kasunduan ay isang paraan para mapakinabangan ang mga malalawak na lupain ng militar na nakatiwangwang lang sa pag-convert dito bilang mga “ecozones”

Ang kasunduan ay may potensyal din na palakasin ang defense manufacturing sector ng bansa sa pamamagitan ng pag-akit sa mga foreign investors na magtayo ng mga operasyon na may kinalaman sa armas at teknolohiya sa mga naturang ecozones.