Kasong isinampa ng ACT sa Ombudsman laban sa DILG at PNP, walang basehan — DILG Sec. Año

Naniniwala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na propaganda lang ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang isinampa nilang kaso sa Ombudsman laban sa DILG at Philippine National Police (PNP).

Sa kanyang statement, Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na malinaw na nagpapansin lamang sa publiko ang ACT sa layuning makakuha ng simpatiya at makakuha ng boto sa darating na halalan sa Mayo.

Paglilinaw ni Año, walang ipinaiiral na crackdown sa mga miyembro ng mga militanteng guro taliwas sa nilalaman ng complaint ng ACT sa Office of the Ombudsman.

Hindi naman natitinag ang DILG at direkta nitong sasagutin ang akusasyon sa isang pormal na pagdinig.

Nanindigan ang DILG na ang sinasabing profiling ng ACT ay bahagi ng intelligence-gathering ng PNP.

Mismong si Communist Party of the Philippines (CPP) founder Joma Sison aniya ang umamin sa kaniyang mga inilabas na statement noon na kasama ang ACT sa legal front ng CPP-NPA-NDF.

Kaugnay nito, umapela sa publiko si Año na maging mapanuri at huwag magpadala sa propaganda ng ACT lalo pa’t nalalapit na ang eleksyon. | ulat ni Rey Ferrer