Kaso ni Guihulngan, Negros Mayor Ernesto Reyes na inabsuwelto ng Sandiganbayan, iaapela sa Korte Suprema

Iaapela ni dating Representative at kasalukuyang Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Jacinto Jing Paras sa Korte Suprema ang pagka-absuwelto ng Sandiganbayan sa kaso ni Guihulngan, Negros Mayor Ernesto Reyes.

Igigiit nito na mabigyan ng hustiya ang maanomalyang pagkawala ng P80 milyong pondo ng bayan ng Guihulngan.

Reaksiyon ito ng dating kongresista kasunod ng pagbasura ng Sandiganbayan sa apat na kasong graft na isinampa laban kay Reyes kaugnay sa overpriced na construction works at ang kawalang bidding sa mga proyektong pinasok ng bayan.

Tiwala si Paras na makukuha pa rin ang hustisya ng taumbayan na nagsampa ng kaso sa alkalde na may sampung taon na ang nakakalipas.

Umaasa din ang dating mambabatas na papapaboran ng Korte Suprema ang kanilang kaso.

Kaugnay nito sinabi ni Paras na maghahain pa ng Motion for Reconsideration ang kanilang panig sa First Division ng Sandiganbayan sa loob ng 15 araw.

Taong 2008 ng dinggin ng Sandigangbayan ang kaso ni Mayor Reyes mula nang sampahan siya ng reklamong katiwalian ng mga residente sa lalawigan dahil sa katiwalian.  | ulat ni Rey Ferrer