Kaso ni CJ Sereno, pinakamaaga na sa buwan ng Mayo maiaakyat sa Senado ang Articles of Impeachment — Sen. Sotto

Sa tantya ni Senate Majority Leader Tito Sotto, pinakamaaga na sa buwan ng Mayo na mai-akyat sa Senado ang Articles of Impeachment sa kaso ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Sa panayam sa senado, sinabi ni Sotto na kung saka-sakali, masisimulan ang impeachment trial sa unang linggo ng buwan ng Agosto ngayong 2018. Ito’y kung maiaakyat sa kanila ang Articles of Impeachment sa buwan ng Mayo ngayong taon.

Ani Sotto, kapag nasa kanila na ang Articles of Impeachment, agad na magko-convene ang Senado para umakto bilang isang impeachment court, at agad nilang ipadadala ang mga summons sa loob ng 15 araw, at panibagong 15 araw ang kinakailangan para sagutin ang mga ito na posibleng abutin na ito hanggang sa mag-adjourn sine die ang Kongreso.

Ang kanilang pagbabalik sesyon ay sa buwan ng Hulyo, at pinaka-maaga na umano sa unang linggo ng Agosto mauumpisahan ang impeachment trial proper o ang aktuwal ng paglilitis sa kaso ni Sereno.

At sa botohan sa magiging desisyon ng trial, 16 ang bilang ng mga senador na kinakailangang bomoto para tuluyang masibak sa pwesto at posibleng makasuhan pa si Chief Justice Sereno. | via Jojo Ismael