Kaso ng tigdas sa Bicol, tumaas ng 300%; 6 ang naitalang patay 

Nagpahayag ng pagkabahala ang mga opisyal ng Department of Health (DoH) Bicol sa 300% na itinaas ng kaso ng tigdas sa rehiyon ngayong taon kumpara noong nakalipas na taon.

Ayon kay Dr. Monrey Mancilla mula sa 61 kaso noong 2017, lumobo ito sa 239 na kaso sa unang siyam na buwan ng taon, sa nabanggit na bilang anim ang namatay, ang mga ito ay pawang walang bakuna laban sa tigdas.

Ang isa ay sa Albay at lima sa Camarines Norte, sa anim na probinsiya, pinakamataas sa Masbate na may 80 kaso;  Camarines Sur, 69;  Camarines Norte, 63;  tig-12  naman sa Albay at Sorsogon, at tatlo sa Catanduanes.

Pangunahing dahilan ang bakuna scare dahil sa Dengvaxia issue, sunod sa maraming dahilan, ang mga nanay na walang panahon para pabakunahan ang kanilang mga anak at nagpatung-patong na ang kaso mula 2013 hanggang ngayong taon.

Ayon sa opisyal malaki ang papel ng media para matulungan ang departamento sa kampanya ukol sa mabuting epekto ng bakuna laban sa tigdas.

Maliban rito, inilunsad ng DOH Bicol, ang “Tara Na Sa Barangay Health Center, Basta  Wednesday Bakuna Day”, nais nitong masaklaw ang mahigit sa 3,000 barangay sa Bicol.

Asam ng departamentong makamit ang 95% measles vaccine coverage, mula sa actual coverage na 65.4% lamang sa buong rehiyon.  | ulat ni Nancy Mediavillo