Kaso ng rape sa bansa bumaba; PNP babaguhin ang kanilang anti-crime guidelines

Umaabot sa halos 7,000 kaso na ng rape ang naitala ng Pambansang Pulisya mula Hulyo 2017 hanggang Hunyo 2018.

Base sa datos ng Philippine National Police (PNP) ang 6,999 rape cases na ito ay 23.96 porsyentong mas mababa kumpara sa 9,204 cases na naitala mula Hulyo 2016 hanggang Hunyo 2017. Inilabas ng PNP ang datos na ito matapos gumawa ng ingay ang public advisory kontra rape ng Angono Police.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Spokesperson Police Senior Supt. Benigno Durana na bukas ang Pambansang Pulisya sa mga rekomendasyon ni Senador Risa Hontiveros at ilang grupo ng kababaihan patungkol sa pagpapabuti ng ilalabas nilang rape prevention guidelines.

Dapat aniyang lamanin ng bubuuin nilang bagong guidelines ang pagpapaalam sa mga lalaki at babae, lalo na sa mga teenager, na ang rape ay isang seryosong krimen.

Mainam rin aniyang mamulat ang publiko sa makabago at mas mapanganib na date-rape drugs gaya ng GHB, MDMA at ecstacy.

Sa huli ay nanindigan ang tagapagsalita ng PNP na walang masamang intensyon ang Angono Police sa nag-viral nilang anti rape tips.  | ulat ni Nimfa Mae Asuncion