Kaso ng pamamaslang sa mga local chief executive, nakababahala na – PNP Chief Albayalde

Nagpaabot ng pakikiramay si Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde sa naulilang pamilya ni Trece Martires City Vice Mayor Alexander Lubigan at sa aide nitong si Romulo Guillemer.

Sa isang pahayag, sinabi ni Albayalde na lubhang ikinababahala at ikinalulungkot ng pambansang pulisya ang pag-ambush sa bise alkalde at sa mga katulad ding insidente ng pamamaslang sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa hepe ng PNP, inatasan na nila ang mga special investigation task group sa ground na tutukang maigi at gawan ng malalimang imbestigasyon ang mga kaso.

Kasabay nito ang pangakong agad nilang ipaaalam sa publiko sakaling may makalap na bagong mga impormasyon.

Nanawagan rin si Albayalde sa sinumang may hawak ng impormasyong makatutulong sa mga kaso na agad itong ipaalam sa mga autoridad nang maibigay na ang hustisya para sa mga biktima at kanilang mga naiwang kaanak. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion