Kaso ng COVID-19 sa PNP, bumaba na sa 500

Nasa 488 na lang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP) mula sa 510 kaso kamakalawa.

Ito’y matapos na makapagtala ng 48 bagong recoveries ang PNP Health Service kagabi.

Ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga tauhan ng PNP na nagpapagaling mula sa COVID ay sa kabila ng pagtala ng 22 bagong kaso.

Tig-limang bagong kaso ang iniulat sa Police Regional Office-8 (PRO-8) at PRO-13; tig-dalawa sa National Operational Support Units, National Capital Region Police Office (NCRPO), PRO-4A, at PRO-Bangsamoro Autonomous Region; at tig-isa naman sa PRO-1, PRO-3, PRO-7 at PRO-Cordillera.

Dahil dito nasa 7,300 na ang mga tauhan ng PNP na nagpositibo sa COVID-19, kung saan 6,789 ang tuluyan nang gumaling.

Nananatili naman sa 23 ang mga tauhan ng PNP na nasawi dahil sa naturang sakit.