Kaso ng COVID-19 sa bansa, tumaas ng 15% sa nakalipas na 2 linggo

Naitala ng Department of Health (DOH) ang 15% na pagtaas sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa, sa nakalipas na 2 linggo.

Ayon kay Dr. Alethea De Guzman, Chief ng Epidemiology Bureau ng Department of Health, naitala ang 15% case growth rate mula Mayo 30 hanggang Hunyo 12.

Mula ito sa 13% na naitala noong Mayo 16 hanggang Mayo 29.

Nakapagtala umano ng average na 6,609 na bagong COVID infection kada araw simula noong Hunyo 7 hanggang Hunyo 13.

Mas mataas ito sa average na 6,558 cases na naitala mula Mayo 31 hanggang Hunyo 6.

Una ng naobserbahan ng DOH na halos hindi tumataas ang COVID-19 cases, mula noong kalagitnaan ng Mayo hanggang magsimula na namang makita ang mabagal na pagbaba ng bilang ng mga tinamaan ng sakit.

Sinabi pa ni Dr. De Guzman na habang may mga super-spreading events at mass gatherings, ganundin ng hindi pagsunod sa mga minimum health standards, ay hindi pa rin maiiwasang tumaas ang kaso ng virus infection.