Kaso laban sa mga dating opisyal ng gobyerno na isinasangkot sa pumalpak na dengvaxia vaccine program, lalong tumibay sa inilabas na ‘Gordon report’ – PAO

Pinatibay ng inilabas na report ng Senate Blue Ribbon Committee ni Senator Richard Gordon ang mga kasong isinampa at ihahain pa ng Public Attorney’s Office (PO) laban sa mga dating opisyal ng nakalipas na administrasyon na isinasangkot sa pumalpak na dengvaxia vaccine program.

Ito ang naging reaksyon ni PAO Chief Persida Rueda Acosta kasunod ng matapang na laman ng dengvaxia draft report ni Senator Gordon.

Direkta nitong tinukoy ang pananagutan nina dating Pangulong Noynoy Aquino III, dating Health Secretary Janet Garin, dating Budget Secretary Butch Abad at iba pa na umano’y nagsabwatan na nagdudulot ngayon ng matinding pangamba at posibleng pagkamatay ng mga batang naturukan ng anti-dengue vaccine.

Binigyang diin ni Acosta na gagamitin nila ang report na ito ng Senate Blue Ribbon Commitee bilang suporta sa kanilang alegasyon na may malaking pagkukulang ang mga opisyal ng Department of Health (DOH) at iba pa sa pagbili ng dengvaxia vaccine mula sa french pharmaceutical company na Sanofi Pasteur.

Matatandaang una nang naghain ng magkakahiwalay na kaso sa lower courts at sa Department of Justice (DOJ) ang PAO bilang abogado ng ilan sa pamilya ng mga batang namatay dahil umano sa bakuna.

Pero sa ngayon ayon sa PAO chief, hihintayin pa nila ang official report ng komite ni Senador Gordon bago sila gumawa ng mga susunod na hakbang. | via Shane Juan

Photo courtesy: PAO Chief