Kaso laban kay Daraga Mayor Baldo sa pagpatay kay Cong. Batocabe, air-tight — PNP Spox Durana

Air-tight ang kaso ng Philippine National Police (PNP) laban kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo na itinuturong mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe at sa security escort nitong si SPO2 Orlando Diaz.

Ayon kay PNP Spokesperson CSupt. Benigno Durana, hawak na ng PNP ang anim sa primary suspects na direktang nagsakatuparan ng krimen at isang testigo.

Ang mga ito ay ang dalawang suspected gunman na sina Henry Yuson at Rolando Arimado; ang dalawang back-up driver na si Emmanuel Rosello at Jaywin Babor; at mga close-in Security aide ng mayor na sina Christopher Naval at Danilo Muella.

Lahat aniya ng mga ito kasama ang testigong si Emmanuel Jaduvar na kasama sa pagpaplano ng krimen, ay pare-parehong itinuturo si Mayor Baldo bilang mastermind ng krimen.

Batay sa mga salaysay ng suspek, P5 milyong piso ang inalok sa kanila ng mayor para ipapatay si Batocabe, kung saan P250,000 ang paunang bayad, pero nagka-onsehan.

Sinabi ni Durana na sa ngayon ay bahala na ang korte na mag-appreciate sa lahat ng ebidensya laban sa mayor at magpalabas ng kaukulang warrant of arrest kay Mayor Baldo.  | ulat ni Leo Sarne