Kasalukuyang power situation ng bansa, bubusisiin ng House Committee on Energy ngayong araw

Ikinasa ng House Committee on Energy ang Motu Proprio Inquiry ngayong umaga hinggil sa kasalukuyang power at demand situation ng bansa pati na ang magkakasunod na rotational brownout.

Ayon kay Pampanga Representative Juan Miguel Arroyo, chair ng komite, layon ng pagdinig na tukuyin ang sanhi ng power shortage at makapaglatag ng rekomendasyon upang tugunan ito.

Matatandaan na inilagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang buong Luzon grid sa red alert dahil sa kulang na suplay ng kuryente.

Nasa 11,729 megawatts lamang kasi ang kapasidad ng Luzon grid ngunit pumapalo sa 11,514 megawatts ang average demand peak kada araw sa nakalipas na pitong araw.

Diin ni Arroyo, malaking banta ang rotational brown out sa rollout ng vaccination program dahil sa nangangailangan ng malamig na temperatura ang COVID-19 vaccines.

Bukod pa ito sa mga estudyante na naka-online classes at mga manggagawa na naka-work from home.

Bukod sa NGCP, kasama rin sa inimbitahan ang Department of Energy (DOE), National Electrification Administration (NEA), Energy Regulatory Commission (ERC), at iba pang stakeholders sa power industry.