Karapatan ng mga migrant workers, inaasahang mababanggit ng Pangulo sa 33rd ASEAN Summit sa Singapore

Asahang babanggitin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu tungkol sa karapatan ng mga migrant workers sa pagdalo nito sa 33rd ASEAN Summit and Related Summits kasama ang iba pang mga ASEAN leaders.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Juniver Mahilum-West na isa ang kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa palagian namang isinasa-prayoridad ng Pangulong Duterte at umaasa silang magkakaroon ng isang “outcome document” hinggil dito at ito’y sa gitna na rin ng muling paghaharap ng ASEAN leaders.

Tiyak din aniyang mabubuksan ng Pangulong Duterte ang usapin sa infrastructure project ng pamahalaan sa harap ng Build, Build, Build project ng administrasyon ganundin naman ang iba pang mga isyu na may kinalaman sa ekonomiya.

Kabilang din sa matatalakay ng iba’t ibang ASEAN leaders ang mga tinaguriang non-traditional issues gaya ng counter terrorism, cioleny extremism, trafficking in persons ganundin ang illicit drugs na dito’y kilala ang Duterte administration na hindi bumibitiw sa pagsugpo kontra iligal na droga.

Samantala, inaasahan din sa 33rd ASEAN Summit ang simbolikong pagsasalin ng Singapore ng chairmanship ng ASEAN sa Thailand na siya namang tatayong chair sa susunod na taon. | ulat ni Alvin Baltazar