Karapatan ng indibidwal na malaman ang bakuna na gagamitin, dapat kilalanin

Ilan pang mambabatas ang nagpahayag ng opinyon hinggil sa ipinatutupad na ‘brand agnostic policy’ ng Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay BHW Party-list Representative Angelica Natasha Co, hindi siya pabor sa bagong panuntunan ng DOH na huwag muna i-anunsyo ang brand ng COVID-19 vaccine na gagamitin sa isang particular na vaccination site.

Diin ni Co ang pagpapabakuna ay hindi dapat sapilitan kaya’t karapatan ng isang indibidwal na malaman ang bakuna na ituturok sa kanya.

Posible kasi aniya na imbes na ma-engganyo ay lalong hindi magpabakuna ang publiko dahil hindi sila mabibigyan ng kalayaan na pumili.

Mas mainam pa rin aniya na kumbinsihin ang mga Pilipino sa tamang paraan kung saan masinsinang pagpapaliwanag hinggil sa safety at efficacy ng bakuna ang ibabahagi.

Para naman kay Batanes Representative Jun Gato na isang doctor, imbes na itago o huwag sabihin ang brand ng bakuna, dapat ay tutukan ang pag-educate sa publiko hinggil sa vaccine effectiveness.

Bagamat karapatan ng indibidwal na malaman ang bakuna na ituturok sa kanya, wala naman pagkakaiba ang mga COVID-19 vaccines.

Ayon kay Gato, mismong ang World Health Organization (WHO) at mga vaccine expert ng bansa na ang nagsabi na pare-parehong epektibo ang Sinovac, AstraZeneca, Sputnik V, Pfizer at Moderna sa pagpigil na umabot sa severe o critical COVID-19.