Kapakanan ng OFWs sa Russia, inaasahang babanggitin ni PRRD kay Pres. Putin

Kumpiyansa si Philippine Ambassador to Russia Carlos Sorreta na malaki ang magagawa ng nakatakdang pagkikita ni Pangulong Rodrigo Duterte at ni Russian President Vladimir Putin para matiyak ang maayos na kalagayan ng mga OFW sa Russia.

Ayon kay Sorreta, dumarami kasi ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Russia ng walang agreement sa mga nagdaang taon.

Kakaunti lang aniya ang mga OFW na may legal visa para sa kanilang specific job o trabaho na ang karamihan ay nasa larangan ng household service.

Sabi ni Sorreta, malaki ang magagawa ng pag-uusap ng Pangulong Duterte at ni President Putin para masolusyonan ang naturang problema ng mga Pinoy worker sa Russia sa pamamagitan ng bilateral labor agreement na aniya ay tinatrabaho na nila.

Sana lang ayon sa DFA official ay maungkat ito ng Pangulo kay Putin gayung lubhang malaking tulong ito sa mga kababayan nating may labor problem sa Russia.

Kasabay nito ay nanawagan din si Sorreta sa mga kababayan natin na huwag ng magrecruit kung sa iligal din namang kaparaanan ito gagawin.