Kampo ng Maute-ISIS sa Tubaran, nakubkob na ng militar

Nakubkob na ng militar ang kampo ng Maute-ISIS terrorists sa Tubaran, Lanao Del Sur.

Ito ang iniulat ni Joint Task Force Ranao Deputy Commander Col. Romeo Brawner sa pagpapatuloy ng operasyon laban sa mga teroristang pinamumunuan ni Abu Dar.

Ayon kay Brawner, nakita sa kampo ang improvised bunkers, foxholes, watch towers at nagkalat na mga basyo ng bala.

Patuloy pa rin aniya ang pursuit operations ng militar sa tinatayang nasa 30 terorista na kabilang sa grupong nakatakas mula sa Marawi.

Tiniyak naman ni Brawner na naka-cordon off ang lugar sa bulubunduking bahagi ng Tubaran para hindi na kumalat ang labanan sa iba pang lugar.

Magugunitang sinimulan ng militar ang pursuit operations laban sa grupo ni Abu Dar nitong Linggo kung saan may iniulat na limang terorista ang napatay sa inisyal na opensiba. | ulat ni Leo Sarne