Kampanya ng PNP laban sa iligal na paputok, inilunsad na

Inilunsad na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kampanya laban sa mga iligal na paputok.

Ito’y kasunod ng pagpapalabas ng Firearms and Explosives Office (FEO) ng PNP ng listahan ng mga ipinagbabawal na paputok, tatlong linggo bago ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Ayon kay PNP FEO Spokesperson C/Insp. Domer Tadeo, bawal ang mga overweight, oversized at ang mga imported na paputok.

Paliwanag ni Tadeo, overweight o sobra sa bigat ang isang paputok kung mahigit isang-katlo o 1/3 na kutsaritang pulbura ang laman nito; oversized kung maikli o sobrang haba ng mitsa; at imported kung walang label o tatak.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ay ang Piccolo, Super Lolo, Atomic Triangle, Judas Belt, Bawang, Pillbox, Bosa, Goodbye Philippines, Bin Laden, Mother Rocket, Lolo Thunder, Coke in can, Atomic Bomb, Five Star, Pla-Pla, Giant Whistle Bomb at Kabasi, lalo na ang Watusi.

Maaari namang sindihan sa mga itinalagang Firecraker zones ang Baby Rocket, Paper Caps, Pulling of Strings, Sky Rocket o Kuwitis at small Triangulo.

Habang ang mga maaaring sindihan sa labas ng Firecracker Zone ang Butterfly, Fountain – Jumbo/Regular, Special Luces, Mabuhay, Roman Candle, Sparklers, Trompillo, Whistle Devices at iba pang klaseng pailaw.

Paalala ni Tadeo sa publiko, huwag bumili ng mga iligal na paputok upang hindi madisgrasya habang ang mga mahuhuling nagtitinda ay tatanggalan ng lisensya at kukumpiskahin ang paninda.  | ulat ni Leo Sarne