Kampanya laban sa sakit na tuberculosis, palalakasin ng DOH

Hirap ang Department of Health (DOH) na matukoy ang 260,000 katao na may sakit na tuberculosis sa bansa.

Sa inilunsad na TB Innovations ng DOH, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at United States Agency for International Development (USAID) sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na isang hamon sa DOH na mapigilan at wakasan na ang pagkalat ng nasabing sakit sa taong 2035.

Nagbigay ng P2.5 bilyong pondo ang USAID sa programang ito ng DOH. Bukod pa ito sa P1.003 bilyong budget mula sa ahensiya.

Tatlong rehiyon sa bansa ang tututukan ng programa na may naitalang mataas na kaso ng sakit na TB at ito ay ang National Capital Region, Region 3 at Region 4-A.

Sinabi pa ni Duque na mahalaga na kumpletuhin ang anim na buwan na paggamot sa TB dahil hindi madali ang paggaling mula dito kapag hindi nasunod ang tamang proseso ng pag-inom ng gamot.

Base sa datos ng ahensya, pang-apat ang Pilipinas sa limang bansa sa buong mundo na may mataas na kaso ng sakit na tuberculosis kung saan 60 katao ang namamatay araw-araw.  | ulat ni Rey Ferrer