Kampanya laban sa iligal na paggamit ng handheld radio isinusulong ng I-ACT

Nagsama ang National Telecommunications Commission (NTC) at ang Inter Agency Council for Traffic (I-ACT) upang tuluyan nang matigil ang paggamit ng ilang UV Express operators at mga drayber ng  mga ultra high frequency (VHF) at very high frequency handheld radio.

Maliban sa mga anti-colorum at out of line operations, bineripika din ng I-ACT kasama ang NTC ang lisensya at mga  permit ng mga UV Express driver na gumagamit ng mga  UHF at VHF radio.

Sa ginawang operasyon ay nakahuli ng  labinwalong (18) hindi lisensiyadong mga  handheld na radyo at mga mobile na telepono at ang mga ito’y kinumpiska  ng mga operatiba ng NTC.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang operasyon laban sa mga  iligal na  handheld radio telephone ay layong targetin ang mga colorum vehicle na ginagamit ang mga ganitong radio para maiwasan ang huli.

May mga drayber na inaalerto ang kanilang mga kapwa drayber kapag mayroong mga operasyon ang I-ACT.

Ayon sa batas, kinakailangang sumailalim sa Restricted Land Mobile Radio Telephone Operations Seminar ang sinumang nais gumamit ng radio telephone bago sila maisyuhan ng NTC ng  lisensya na humawak ng mga ganitong gadget. | ulat ni Ed Dytiapco