Kampanya kontra tiwaling pulis ng bagong PNP Chief, suportado ni Deputy Speaker Abante

Suportado ni Deputy Speaker at Manila Rep. Bienvenido Abante ang kampanya ni Philippine National Police Chief Gen. Guillermo Eleazar laban sa mga tiwaling pulis.

Kasabay nito ay hinamon din ng kinatawan ang bagong hepe ng pambansang pulisya na agad aksyunan ang mga insidente ng pagpatay at iba pang karahasang kinasasangkutan ng mga myembro ng PNP.

Dahil aniya sa mga isyu na kinasangutan ng PNP, higit na kailangan ngayon ng institusyon ng tapat, desidido at may ‘sense’ na liderato upang tuluyang masawata ang mga kahalintulad na trahedya.

Binigyang diin ni Abante ang pangangailangan ng reporma at seryosong mga hakbang para maitama ang mga mali at iligal na gawaing kinasasangkutan ng mga pulis.

Umaasa naman ang mambabatas na hindi lamang sa matapang na salita kundi pati na rin sa matapang na gawa, isasakatuparan ni Eleazar ang kanyang mga sinabi.