Kamara, walang planong suspindehin ang excise tax sa produktong petrolyo

Walang plano ang Kamara na alisin ang ipinapataw na excise tax sa produktong petrolyo.

Ito ang tugon ni House Ways and Means Chairperson at Albay Representative Joey Salceda, sa gitna ng pangamba ng epekto sa bansa ng pagpapasabog sa planta ng langis sa Saudi Arabia.

Ayon kay Salceda, mayroong batas kung saan nakasaad kung kailan maaaring suspendihin ang pagpapataw ng buwis sa langis.

Base aniya sa ilalim ng TRAIN Law 1, maaari lamang itong ihinto kapag umabot na sa $80 ang kada bariles ng Dubai crude oil base sa Mean of Platts Singapore tatlong buwan bago ang nakatakdang pagtaas sa presyo ng langis.

Paliwanag pa ng mambabatas, kung ipasususpinde nila ngayon ang pagpapataw ng excise tax sa petrolyo ay mangangailangan ng pag-amyenda sa kasalukuyang batas.