Kamara, hihingin na i-certify as urgent ang 2022 budget

Tiniyak ni House Committee on Appropriations Chair Eric Go Yap, na hindi maaapektuhan ang P5 trillion 2022 proposed national budget, matapos ang pagbibitiw ni Budget Secretary Wendel Avisado dahil sa kalusugan.

Kumpiyansa si Yap, na magagampanan ni Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Tina Rose Marie Canda, ang tungkulin bilang Officer in Charge ng ahensya.

Katunayan batay aniya sa kanilang pag-uusap, posibleng sa August 20 o 23 maisusumite ng DBM ang 2022 National Expenditure Program (NEP).

Target naman aniya nila, na sa loob ng tatlong araw matapos maisumite ang NEP, maumpisahan na ang pagtalakay sa pambansang pondo na maaaring tumagal ng dalawang linggo.

Ito ay upang mabigyang daan ang pagbusisi sa budget ng mga ahensya na nakatutok sa COVID-19 pandemic tulad na lamang ng Department of Health at Department of Social Welfare and Development.

Dagdag ni Yap, na posible nilang hilingin sa Pangulo na ma-certify as urgent ang 2022 General Appropriations Bill upang maisalang sa second at third reading sa September 29 o 30.

Sa October 1 kasi ang nakatakdang break ng sesyon ng Kongreso.