Kamara, nagsagawa ng triage simulation test katuwang ang PSG bilang bahagi ng mahigpit na seguridad sa SONA bukas

Sa gate pa lamang ng Batasang Pambansa, lahat ng papasok ay hihingan ng car pass, SONA ID at isa pang valid ID.

Para sa mga drop off vehicles, pade-deretsuhin na ang pasahero sa triage area na matatagpuan sa North at South wing lobbies.

Ang mga for parking naman, ay mayroong itatalagang shuttle service na maghahatid sa holding area at triage area.

Sampung katao kada biyahe lamang ang maaaring pasakayin dito.

Sa mismong triage area, kailangang ipresinta ng indibdwal ang SONA ID, valid ID, original at photocopy ng vaccination card, tig-isang kopya ng health declaration form mula PSG at House of Representatives, antigen test form, at dalawang kopya ng negative RT-PCR test na isinagawa sa loob ng 48 oras.

Dapat ay mayroon ding dalang face shield, face mask at pocket sized alcohol o sanitizer ang bisita.

Oras na ma-counter check sa listahan ng guests ay bibigyan ng bagong face mask at QR-coded face shield ang indibidwal bago sumailalim sa antigen test.

Kung mag-positibo ito sa antigen test ay i-e-escort ito sa isolation area bago dalhin sa Rosario Maclang Bautista General Hospital o Diliman Doctors Hospital.