Kamara, muling tiniyak na walang pork sa inaprubahang 2020 GAB

Nanindigan ang liderato ng Kamara na pork at parking free ang ipinasa nilang 2020 General Appropriations Bill (GAB).

Ayon kay Deputy Speaker Fredenil Castro, ang kanilang ipinasang GAB ay “exact replica” ng National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng ehekutibo, kaya’t makatitiyak na walang pork o ano mang insertions dito.

Tugon ito ng mambabatas sa pahayag ni Senador Panfilo Lacson hinggil sa pitong daang milyong pisong alokasyon kada kongresista at dagdag na tig ₱1.6 bilyon naman para sa mga deputy speaker.

Ayon kay Castro, bukas ang mababang kapulungan sa pagbusisi ng senado hindi lang sa pambansang pondo, maging sa proposed budget ng House of Reprsentatives.

Panawagan naman ng mambabatas kay Lacson na bago maglabas ng balita sa media ay i-verify muna niya ang mga impormasyong kanyang natatanggap.

Kung matatandaan, sinabi ni Lacson sa isang panayam, na mismong mga kongresista umano ang nagsabi sa kanya hinggil sa naturang mga halaga.

Hinimok rin ni Castro ang senador, na pangalanan kung sino ang mga kongresista na lumapit sa kanya at nagbigay ng naturang impormasyon.