Kamara, may panukalang batas para sa pagbawi ng buwis ng BIR sa mga pribadong paaralan

Pinababawi na ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman Mark Go sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang tax hike na ipinataw sa mga private schools.

Patikular na tinukoy ni Go ang Revenue Regulation No. 5-2021 kung saan itinataas sa 25% ang income tax ng mga proprietary educational institutions mula sa 10%.

Aniya, ang kautusan ay maling interpretasyon ng BIR sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law at taliwas sa intensyon ng batas na tapyasan ang financial burden ng mga korporasyon sa bansa.

Paliwanag ng kongresista, ang determinasyon sa pagbubuwis ay trabaho ng lehislatibo at anumang implementing agency ay hindi maaaring lumihis sa itinatakda o intensyon ng batas.

Dagdag pa ng mambabatas na ang private educational institutions ang isa sa mga sektor na pinakaapektado ng pandemya lalo at 2 milyong mga estudyante ang nawala o hindi nag-enroll sa private schools para sa school year 2020-2021.

Inihain naman ngayong araw ni Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang House Bill 9596 para maitama ang naturang regulasyon.

36 na mga mambabatas na ang lumagda bilang co-author nito.