Kamara: Imbestigahan ang pagkamatay ng PMA cadet na si Darwin Dormitorio

Naghain ng resolusyon si Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez para sa isang congressional inquiry hinggil sa pagkamatay ng Philippine Military Academy (PMA) cadet na si Darwin Dormitorio, na tubong Cagayan de Oro.

Sa House Resolution 366 ni Rodrguez, ipinanawagan nito na magsagawa ng imbestigasyon ang nararapat na komite hinggil sa insidente.

Ayon sa mambabatas, nakakabahala na namatay si Dormitorio dahil sa hazing, sa kabila ng pinaigting at pinalakas na RA 11053 o Anti- Hazing Act of 2018.

Nauna nang kinondena ng Kabataan partylist ang sinapit ni Dormitorio, at kaisa anila sila sa panawagan ng imbestigasyon, na hustisya para sa pamilya ng biktima.