Kalinga Kontra Korona Center sa lungsod ng San Juan, binuksan na

Handa nang tumanggap ng mga person under investigation o PUI na may mild COVID-19 symptoms ang itinayong Kalinga Kontra Korona Center o quarantine facility ng San Juan City local government.

Matatagpuan ito sa bagong gusali ng San Juan Science High School, na mayroong 100 bed capacity.

Para sa mga pasyenteng nais na pansamantalang tumuloy rito, kinakailangan lang na makipag-ugnayan sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) na siyang tatawag sa City Health Office at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) para masundo ang pasyente.

Oras na ma-admit, pinapayuhan ang mga PUI na magdala ng gamit at damit na pang-dalawang linggo.  Dapat ding magdala ng sariling kumot, unan, toiletries at gamot lalo na sa mga may maintenance medicine.

Sa loob ng dalawang linggo, sa naturang quarantine center isasailalim sa masusing pagsusuri at X-ray ang pasyente.

Kung hindi naman kailangan na ma-confine sa Kalinga Center, ang CDRRMO rin ang maghahatid pauwi sa pasyente.

Ang KKK Center ang isa sa mga paraan ng San Juan LGU upang matiyak na mahihiwalay ang mga posibleng COVID carrier nang hindi na kumalat pa ang virus.

As of April 2, 7PM, mayroon nang 117 kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang naitala sa lungsod, limang pasyente na ang gumaling, habang nasa 152 ang PUIs, at 382 ang PUMs.