Kaligtasan ng mga Pilipino sa Israel, tiniyak ng Embahada ng Pilipinas doon

Tiniyak ng Embahada ng Pilipinas sa Israel ang kaligtasan ng nasa higit 29,000 Pilipino doon, kasunod nang deklarasyon nng ceasefire sa pagitan ng Israeli military at Hamas group.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Philippine Ambassador to Israel Macairog Alberto, na bagamat naging mainit ang rocket attacks nitong mga nakalipas na linggo, nagawa naman itong pigilan ng Iron Dome ng Israel.

Nakapabigay rin naman aniya ng warning upang agad na makapagtago ang mga residente doon sa mga bomb shelters.

Ayon sa ambassador, hindi rin nakaapekto ang kaguluhan doon sa kanilang COVID-19 situation, lalo at naging maganda ang paggulong ng kanilang vaccination program, kung saan maging ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Israel ay nabigyan na rin ng bakuna.

Samantala, kaugnay naman sa pansamantalang hindi pagpapadala ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Israel, hinihintay pa aniya nila ang desisyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kaugnay dito.