Kaligtasan ng CPP negotiators, tiniyak ng DILG kung ang peace talks ay gagawin sa Pilipinas

Kaligtasan ang ibinigay na assurance ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Communist leaders kung dito sa Pilipinas gagawin ang peace talks sa pagitan ng CPP-NDF at government panel na mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Iginiit ni DILG OIC Secretary Eduardo Año na ang pagpapatuloy ng peace talks sa bansa ay hindi lamang logical kundi isang practical na hakbang dahil makakatipid sa gastusin ang pamahalaan.

Aniya ang suporta ng taumbayan ay kailangan din sa peace talks lalo na sa pagpapatupad ng anumang kasunduan tulad sa ginawang pagbuo ng Bangsamoro Basic Law na dumaan sa maraming konsultasyon.

Hinamon din ng DILG chief ang CPP/NDF/NPA na magtiwala at magpakita ng sinseridad sa pamamagitan ng pagpapatigil sa lahat ng pag-atake sa construction projects ng pamahalaan gayundin ang pangongolekta ng anila’y revolutionary taxes mula sa private firms.

Tiniyak din ng DILG sa publiko na ang reintegration assistance ng pamahalaan ay handa sa sinumang rebelde na magsusuko ng kanilang armas at normal na mamumuhay sa lipunan.

Sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP, ang mga susukong rebelde ay makakatanggap ng tulong pinansiyal na P15,000 para sa mobilization expenses, livelihood assistance na P50,000, skills training, shelter at legal assistance, at iba pa. | ulat ni Rey Ferrer