Kalayaan Job Fair ng DOLE sa Luneta, naging matagumpay kahit buong araw ang buhos ng ulan; 170 aplikante hired on the spot

Isandaan at pitumpung aplikante sa katatapos lang na Kalayaan Job Fair na ginanap sa Rizal Park sa Maynila ang nakahanap kaagad ng trabaho o ‘hired on the spot.’

Base sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE) National Capital Region, umabot sa 1,586 ang mga aplikanteng nagtungo sa Luneta mula alas-otso ng umaga hanggang alas-tres ng hapon kahit pa tuluy-tuloy ang naging pag-ulan.

Sa 170 ‘hired on the spot’ applicants, dalawampu’t tatlo ang magtatrabaho na sa ibang bansa habang ang 147 ay nakapasok sa mga lokal na kumpanya.

297 applicants ang nakapasa na sa interview habang 3,008 naman ang pinapabalik ng mga kumpanya sa kanilang opisina para ma-interview pa.

May kabuuang 32,878 na trabaho ang inalok sa Kalayaan Job Fair sa Luneta kabilang na ang  labing isang nakilahok na government agency tulad ng PNP, AFP, BFP, Coast Guard, MMDA, DSWD, DTI, NGCP at Social Housing. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion