Kalat ng basura, asahan na ngayong Pasko at Bagong Taon, ayon sa isang environmental group

Pinayuhan ng environmental group na EcoWaste Coalition ang publiko na gawing tama ang pagtatapon ng basura ngayong holiday season.

Ayon kay Aileen Lucero, national coordinatior ng grupo, isa sa nakikitang problema ng environmental group ay ang maling paraan ng waste segregation o paghihiwalay sa mga basura.

Hindi na raw natuto ang publiko sa tamang paraan ng pagtatapon ng basura at madalas ay pinaghahalo pa rin ang mga nabubulok at hindi nabubulok.

Sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga pampublikong pasyalan sa panahon ng Pasko, payo nila na magdala ng trash bag at tiyaking itatapon o itatago ng maayos ang mga pinagkainan.

Hinikayat din nito ang publiko na matutong mag-recycle sa maaari pang pakinabangan sa halip na itapon.

Base sa kanilang pag-aaral, lumalabas na nasa 1.2 kilong basura ang itinatapon ng bawat tao kada araw sa Metro Manila na karamihan ay mga plastic at styrophor.

Paliwanag nya, dapat maging malikhain para magkaroon ng bagong anyo at kabuluhan ang basura. | ulat ni Rey Ferrer