Kalahati ng pwersa ng NPA, target na manutralisa ng militar ngayong 2018

Ayon kay Gen. Guerrero, mula 2016 hanggang 2017, nagawa ng AFP na mabawasan ng 40 porsyento ang pwersa ng NPA sa buong bansa.

Target ng militar na maneutralisa ang kalahati ng pwersa ng New People’s Army o NPA ngayong 2018.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero kasabay ng pagsabi na magpapatuloy ang momentum ng AFP laban sa lahat ng threat groups.

Ayon kay Gen. Guerrero, mula 2016 hanggang 2017, nagawa ng AFP na mabawasan ng 40 porsyento ang pwersa ng NPA sa buong bansa.

Aniya, marami narin sa mga armas ng terroristang grupo ang narecover ng militar at napababa ang bilang ng mga NPA-infested na barangay.

Sa ngayon aniya ay nasa 3,700 ang nalalabing miyembro ng NPA, dahil sa malaking bilang na rin ng mga boluntaryong nagsisuko nitong taong ito.

Inamin naman ni Guerrero na magkakaroon ng malaking epekto sa kanilang kampanya kontra sa NPA at iba pang mga threat groups tulad ng BIFF at Abu Sayyaf, kung sakaling magtagumpay ang petisyong ipatigil ang Martial Law sa Mindanao.

Paliwanag ni Guerrero, malaking bilang ng kanilang mga operasyon sa mga threat groups na ito ay sa Mindanao, na madali nilang naisasagawa dahil sa kapangyarihang ipinagkakaloob sa kanila ng Martial Law.

Partikular aniya sa mga ito ang pagsasagawa ng mga checkpoint, vigilance patrols, visibility patrols at intensified military operations. | via Leo Sarne