Kalagayan ng mga Pilipino sa India sa gitna ng sitwasyon ng COVID-19 doon, binabantayan ng pamahalaan

Tiniyak ng pamahalaan na tinututukan nito ang kalagayan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa India, sa gitna ng malalang COVID-19 situation doon.

Ito ayon kay International Labor Affairs Bureau Director Alice Visperas, ay kahit na nasa higit 1,000 lamang ang mga Pilipino sa India.

“Kaunti lang po ang ating OFWs diyan, higit 1,000 lang po but never the less hindi natin maaring ipagwalang-bahala iyong kanilang kalagayan, at in the absence of a Philippine Overseas Labor Office sa India, ang atin pong Philippine Embassy ang tumutugon sa pangangailangan sa ating mga OFW at manggagawang Pilipino na nandoon ngayon.” —Dir. Visperas.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi nito na bagama’t walang Philippine Overseas Labor Office (POLO) doon, ang Philippine Embassy naman ang nangunguna sa pagtugon sa pangangailangan ng mga OFWs na nasa India ngayon at ang embahada na rin aniya ang nangangalaga sa mga ito.

Samantala, ibinalita rin ng opisyal na maraming OFWs na rin ang nabakunahan na sa ibang bansa laban sa COVID-19.

Dito aniya sa Asya ay nangunguna ang Hong Kong. Ang Japan ay nagbigay na rin ng bakuna sa mga OFWs doon, maging ang Singapore, gayun rin ang United Kingdom, Bahrain, Oman, UAE, Kuwait at Saudi.