Kalagayan ng mga manggagawa sa gitna ng pandemya, kailangang pangalagaan

Dapat mapangalagaan ang kalagayan ng mga manggagawa sa gitna ng pandemya.

Ito ang mensahe ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa paggunita ng araw ng paggawa ngayong araw.

Ayon sa kalihim, ang lahat ng manggagawa, mula sa sakahan at pangisdaan, sa mga ospital at pagawaan, hanggang sa mga lansangan at iba pang mga tanggapan ay araw-araw nagpapamalas ng kasipagan at kadakilaan.

Ito ay sa kabila ng hirap ng kasalukuyang sitwasyon dulot ng pandemya.

Hindi aniya matatawaran ang ambag ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang sektor na naglilingkod upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating bansa.

Kaya hindi aniya magiging ganap ang pagsulong ng bansa kung hindi rin angkop ang pag-unlad ng mga manggagawa.