Kakulangan ng pondo, dahilan para tumanggap ng funding ang FDA sa private institution

Idinipensa ng Food and Drug Administration (FDA) ang kakulangan ng pondo mula sa pamahalaan, kaya sila tumanggap ng funding mula sa private institution.

Ito ang nilinaw ng ahensya sa House Committee on Good Government and Public Accountability, matapos makwestyon ang pagtanggap nito noong 2016 ng grant mula sa The International Union Against Tuberculosis and Lung Diseases, kapalit ng pagbibigay ng specific at pre-defined policies laban sa isang legitimate industry.

Ang organisasyon ang katuwang sa pamamahala sa Bloomberg Initiative, na may adbokasiya laban sa lahat ng uri ng tobacco products.

Pagbibigay diin ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta, wala sa posisyon ang FDA at ibang ahensya ng pamahalaan na tumanggap ng pondo mula sa private institution, lalo kung may isyu ng impropriety at irregularity dahil ito ay makakaapekto sa polisiya ng bansa partikular sa industriya ng tabako.

Ayon sa FDA, noong 2016, aabot lamang sa P4 million ang alokasyon para sa operational expenses, at hindi kasama rito ang gastos para sa research at hiring ng mga dagdag na tauhan.

Dahil wala aniya silang extra na pondo kaya nagdesisyon ang FDA na mag-apply ng grant.

Umapela naman ang FDA sa Kongreso, na lakihan ang pondo ng ahensya lalo at nais din nilang i-modernize ang kanilang laboratory capability.