Kahun-kahong hindi rehistradong mga produktong pampaganda, nasabat ng NBI

Sa bisa ng isang search warrant mula sa Quezon City (QC) Regional Trial Court (RTC), sinalakay ng National Burea of Investigation Special Action Unit (NBI-SAU) ang isang warehouse at tindahan ng mga hindi rehistradong mga produktong pampaganda sa Laloma Quezon City.

Ayon kay Atty. Emeterio Dongallo, hepe ng NBI-SAU, sinalakay nila ang Angel’s Skin Care sa Manresa at ang warehouse nito, matapos magpositibo ang resulta ng kanilang ginawang test-buy at surveillance operation.

Tumambad sa mga ahente ng NBI ang iba’t ibang sangkap at mga raw material na ginagamit sa paggawa ng mga produktong pampaganda. Mga produktong gaya ng bleaching cream, sunblock, sabon at mga skin toner, ang mga nakumpiskang produkto.

Ayon kay Dongallo, hindi umano nakarehistro sa Food and Drugs Administration (FDA) ang mga nakumpiskang mga produkto na maaaring delikado sa publiko.

Walong mga manggagawa ng nasabing warehouse at tindahan ang inimbitahan ng NBI, habang kakasuhan naman ang may ari na si Josephine Tuan sa paglabag sa Food and Drugs Adminsitration Act habang kasalukuyan pang inaalam ang halaga ng mga nakumpiskanh mga produkto