Kahit wala si Sen. Lacson, tiwala pa rin si Gordon na makakakuha ang kanyang report sa Dengvaxia ng sapat na suporta mula sa mga kasamang Senador

Kumpiyansa  pa rin si Senador Richard Gordon, na kahit wala na si Senador Panfilo “Ping” Lacson, makakakuha pa rin ng sapat na pirma mula sa mga kasamahang Senador ang kanyang inihandang chairman’s report sa isyu ng dengvaxia.

Ginawa ni Gordon ang kanyang pahayag, kasunod ng desisyon ni Senador  Lacson na hindi pagpirma sa nasabing report, makaraan na mapikon sa pahayag ni Gordon na hindi na niya inaasahan ang pirma nito, dahil sa magkaibigan sina Lacson at ng dating Pangulong Noynoy Aquino.

Sa unang pagtaya ni Gordon, kanyang inaasahan na mapapabilang si Lacson sa hindi bababa sa sampung Senador na lalagda sa nasabing committee report.

Sa ngayon, ang nakapirma nang mga Senador ay kinabibilangan nina Senate Majority Leader Tito Sotto, JV Ejercito, Nancy Binay, Migz Zubiri, at Gringo Honasan.

Sa nasabing gordon’s report, inirekomenda ang paghahain ng kaukulang kaso laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino at iba pang opisyal ng kanyang administrasyon kaugnay ng natigil na P3.5-billion Dengvaxia vaccination project. | via Jojo Ismael