Kahandaan ng PNP kung sakaling palawigin ang ECQ, tiniyak ni Eleazar

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na handa ang PNP kung sakaling palawigin ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila.

Ayon sa PNP chief, ang Metro Manila mayors at Inter-Agency Task Force (IATF) ang mas nakakaalam kung kakailanganing i-extend ang ECQ. Ipatutupad lang ng PNP ang anumang mapagdesisyunan kaugnay nito.

Unang inihayag ng Department of Health (DOH) na posibleng palawigin pa ang pag-iral ng mahigpit na quarantine measures sa National Capital Region dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19.

Ayon pa sa DOH, tatalakayin ang bagay na ito sa pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).

Nagpaalala naman si Police General Eleazar sa mga tauhan nito na tingnan ang kaligtasan at kapakanan ng kanilang hanay upang epektibo nilang magampanan ang kanilang tungkulin lalo’t kung palalawigin pa ang ECQ.

Isinailalim sa ECQ ang Metro Manila mula noong August 6 hanggang August 20 para mapababa ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 Delta variant.