Kahalagahan ng pakikiisa ng lahat sa 4s kontra Dengue, binigyang-diin ng DOH

Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) tungkol sa pakikiisa ng lahat sa paglaban sa dengue.
Ayon kay Doctor Chito Avelino, officer in charge ng DOH Epidemiology Bureau, pinakaepektibo pa ring paraan upang makaiwas sa dengue ay ang vector control.
Ito ang sabay-sabay na paggawa ng 4s  o ang “search and destroy”, “self-protection measures”, “seek early consultation” at “support fogging or spraying”.
Pagbibigay-diin ni Avelino, mahalagang gawin ito ng sabay-sabay at sama-sama upang epektibong mapigilan ang pagdami ng lamok.
Aniya, kapag isang lugar lang kasi ang nagsagawa nito, maaari lamang lumipat sa ibang lugar na hindi nagpapatupad ng 4s ang mga lamok na may dengue.
Babala pa ni Avelino, kung hindi pa tayo kikilos ngayon ay maaaring tumaas pa ng fifty percent ang kaso ng dengue sa bansa.
Kahapon, nagdeklara ng national dengue epidemic ang DOH upang mapaigting ang paglaban ng buong bansa sa dumaraming kaso ng naturang sakit.