Justice Sec. Guevarra, itinalaga bilang OIC sa Office of the President hanggang Sept. 1

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Justice Secretary Menardo Guevarra bilang OIC sa Office of the President (OP), habang nasa China ang Pangulo kasama ang ilang opisyal ng bansa, hanggang Setyembre 1.

Base sa inilabas na Special Order no. 916, ito ay upang matiyak na magtutuloy-tuloy ang operasyon ng OP at government service, habang wala pa ang Pangulo sa bansa.

Matatandaan na una na ring itinalaga si Senior Deputy Executive Secretary Michael Ong bilang acting executive secretary.

Minamandato rin ng Palasyo ang mga departamento ng pamahalaan na alalayan ang acting secretaries sa paggampan ng kanilang tungkulin.

Nilagdaan ng Pangulo ang special order nitong ika-28 ng Agosto.