Joma Sison, pinayuhan ng Palasyo na bumalik na sa bansa at harapin ang mga reklamo laban sa kanya

Nirerespeto ng Palasyo ang desisyon ng korte kaugnay sa paglalabas ng warrant of arrest ng Manila Regional Trial Court Branch 32 laban kay CPP Founder Joma Sison, at sa 37 iba pang miyembro nito kaugnay sa Inopacan Massacre.

Ang Inopacan Massacre ay itinuturing na mass purging noong 1980s kung saan nasa higit isang daang mga residente ng Leyte ang pinatay ng mga CPP- NPA, dahil sa hinalang nakikipag-ugnayan ang mga ito sa militar.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang batas ay hindi kumikilala sa sinumang lumabag dito, kaya’t marapat lamang na sumulong ang prosekyusyon laban kina Sison.

Sinabi ni Panelo, na dapat nang humarap si Sison sa paglilitis.

Welcome aniya ito na bumalik sa bansa at gamitin ang kanyang karapatan na harapin ang mga nagpaparatang sakanya, at depensahan ang kanyang sarili.

Kaugnay nito, sinabi ni Panelo, na kaisa sila ng pamilya at malalapit sa buhay ng mga biktima, sa paghahanap ng hustisya para sa mga ito, at dapat lamang na maihain ang mga warrant alinsunod sa utos ng hudikatura.