Joma Sison, maaaring magpatanggal sa listahan ng Anti-Terrorism Council

Maaaring hilingin na matanggal sa listahan ng Anti Terrorism Council ang sinoman na na-designate bilang terorista.

Ito ang nilinaw ni Atty. Rowena Acudili ng Anti-Terrorism Council, at Legal Officer ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

Ang pahayag ay ginawa ni Acudili sa press conference ng National Task Force To End the local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) nitong Lunes na pinamagatang “TAGGED! Debunking Lies By Telling the Truth”.

Ito’y makaraang ma-designate ng ATC bilang terorista si CPP Founding Chair Jose Maria Sison at 18 pang miyembro ng Central Committee ng Communist Party of the Philippines.

Ayon kay Acudili, mayroong 15 araw mula sa panahon na i-publish ang designation para mag-file ng “verified request for delisting” sa ATC.

Kailangan lang aniya nilang patunayan na wala silang kaugnayan sa anumang teroristang grupo.

Dagdag ni Acudili na ang pag-“designate” sa isang indibidwal bilang terorista ay base sa pagkakaroon ng “probable cause”, at hindi maituturing na “red tagging”.