Joma Sison, ipa-dedeport ng NTF-ELCAC pabalik ng Pilipinas

Isusulong ng National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang “global pressure” sa pamahalaan ng The Netherlands para ipa-deport pabalik ng Pilipinas si CPP founding Chairman Jose Maria Sison.

Ito ay para panagutin si Sison sa paggamit ng New People’s Army ng iligal na Anti Personnel Mines (APM) na pumatay kay FEU varsity player Keith Absalon at sa kanyang pinsan sa Masbate noong nakaraang linggo.

Ito ang sinabi ni Undersecretary Severo “Nonoy” Catura, Executive Director ng Presidential Human Rights Committee at NTF-ELCAC Spokesperson on the peace process, human rights and international engagements.

Sa lingguhang NTF-ELCAC press briefing na pinamagatang “Tagged: Debunking Lies By Telling The Truth”, sinabi ni Catura na ilalantad ng Task Force sa United Nations ang patuloy at walang habas na paggamit ng NPA ng APM.

Magpupulong aniya ang UN ngayong linggong ito para pag-usapan the Anti-Personnel Mine Treaty Convention na nagbabawal sa buong mundo ng paggamit ng APM, kung saan ang The Netherlands at lahat ng mga bansa sa Europa ay lumagda noong 1997.

Pero sinasamantala aniya ni Sison ang ibinibigay na proteksyon sa kanya ng The Netherlands sa ilalim ng “humanitarian reasons” upang isulong ang mga teroristang pag-atake ng NPA sa mga sibilyan at sundalo gamit ang APM.

Umaasa naman si Catura na makikiisa ang buong mundo sa mga hakbang para mapauwi Sison sa bansa upang panagutan ang paglabag sa International Humanitarian Law at iba pang krimen.