Jolo, Sulu cathedral bombing, posibleng may kinalaman sa tangkang pagpigil sa BOL – Andanar

Naniniwala si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, na malaki ang posibilidad na may kaugnayan ang pagpapasabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu sa pagtatangkang idiskaril ang Bangsamoro Organic Law (BOL).

Dagdag ni Andanar, hindi maaalis ang gayung posibilidad lalo’t nakakaduda ang timing ng pagpapasabog na nangyari pagkatapos ng ratipikasyon ng BOL.

Ganunpaman, inihayag ng kalihim na lahat ng anggulo o posibleng motibo ay kasalukuyang sinisilip na ng mga otoridad, kabilang na ang mga nasa likod ng pambobomba na aniya’y kagagawan ng indibidwal na wala namang ipinaglalabang idelohiya.

Sinabi ni Andanar, na ipinapakita lang ng mga salarin ang kawalang respeto nito hindi lamang sa pamahalaan kundi pati na sa relihiyon.

Tiniyak naman ng Kalihim, na mapapanagot sa batas ang mga nasa likod ng malagim na dalawang ulit na pambobomba sa cathdedral. | ulat ni Alvin Baltazar