Jolo, Sulu bombing, walang kinalaman sa pamumuna ni Pangulong Duterte sa Simbahang Katolika – Malacañang

Tiniyak ng ng Malacañang na walang anumang kaugnayan ang mga puna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Simbahang Katolika sa malagim na insidente ng pambobomba sa Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.

Sa pulong-balitaan sa Malacañang, inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na mismong ang Presidente ay galit at dismayado lalo’t sa gitna ng pagsisikap nitong makamit ang kapayapaan sa Mindanao ay may mga masasamang elementong gustong hadlangan ito.

Binigyang-diin ng tagapagsalita ng Pangulo, na ang litanya ng Pangulo sa ilang alagad ng simbahan ay pagbubulalas lamang ng kanyang sentimiyento dahil sa hindi magandang karanasan nito noong siya’y bata pa mula sa isang pari.

Hindi aniya ibig sabihin na dahil sa nakapagbibitiw ng kritisismo ang Pangulo sa ilang miyembro ng Simbahang Katolika ay nangangahulugan na itong hahantong ito sa pisikal na pag-atake.

Dagdag ni Panelo na ang pag-atake ng Pangulo sa simbahan ay sumesentro lamang sa mga napapansin nitong mali at hindi sa simbahan per se.   | ulat ni Alvin Baltazar